Shutdown ng Delta P. hindi matutuloy ngayong buwan-PALECO

Hindi na matutuloy ang paghinto ng operasyon ng Delta P Incorporated na nakatakda sana ngayong buwan ng Setyembre. Ito ang naging pahayag kanina ng Palawan Electric Cooperative o PALECO sa isinagawang 3rd Quarter Press Conference.

Ayon kay OIC Corporate Manager Peter Vincent S. Mendoza, napag-alaman nila na nagbayad ang National Power Corporation (NPC) ng ₱68 million para sa Delta P. at kinumpirma rin umano ng kumpanya na isang buwan pa lamang naibibigay sa kanila.

Napagalaman din umano nila na may posibilidad na mangutang o mag-loan ang NPC na magagamit sa mga “electrification function” kabilang na ang pagbabayad sa utang nito sa mga Independent Power Providers.

Kung matatandaan, nagdulot ng pangamba sa mga Member- Consumer- Owners at maging ng mga opisyal sa Lungsod at Lalawigan ng Palawan ang liham na mula sa Delta P. kaugnay sa posibleng huminto ngayong buwan ang kanilang operasyon dahil sa umabot na sa mahigit ₱400 million ang utang sa kanila ng NPC.

Dito rin nalaman na ang dalawa pang IPPs ng kooperatiba na Palawan Power Generation Incorporated (PPGI) at DMCI Power Corporation ay pareho rin ang nararanasang problema.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *