So.Cot nasa critical stage na sa laban kontra COVID 19

KORONADAL CITY- NASA critical stage na ang pakikipaglaban ng South Cotabato sa COVID 19. Ito ang inihayag ni Governor Reynaldo Tamayo Jr sa isinagawang flag ceremony sa kapitolyo matapos na tumaas ang admission ng COVID 19 cases at dumami rin ang mga staff ng South Cotabato Provincial Hospital na nagpositibo sa virus.


Ayon sa gobernador na 56 na mga doctor, nurses at iba pang empleyado ng provincial hospital ang tinamaan ng COVID 19.


Maliban dito, umabot na rin sa mahigit 100 ang mga pasyente na admitted sa COVID 19 ward ng naturang ospital, hindi pa kasali dito ang mga pasyente na naghihintay sa emergency room.


Dahil dito, pinulong na ng gobernador ang mga kasapi ng South Cotabato Medical Society o SOCOMED kung saan pinag-usapan ng mga ito ang mga hakbang na gagawin sa COVID 19 response.


Nakipagpulong din si Governor Tamayo sa mga opisyal ng Department of Health o DOH 12 dahil gusto nitong i-take over muli ang SGH upang mapalagyan ng mga pasyente sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID 19 sa lalawigan at banta ng Omicron variant.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *