Sobrang pagtaas ng COVID patients, nararanasan ngayon ng CVMC

Nakakaranas ngayon ang Cagayan Valley Medical Center ng sobrang pagtaas ng bilang ng COVID patients na dinadala sa kanilang hospital.

Sa pahayag ni CVMC Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, naranasan lamang umano ng hospital ang record low na 80 sa nakalipas na dalawang linggo ngunit nabigla umano siya nang biglaang dumarami ang dumarating na COVID patients sa hospital.

Aniya, sa ngayon ay lagpas na sa bed capacity ang kanilang COVID-19 ward matapos makapagtala ng 194 COVID patients kumpara sa orihinal na 150 lamang.

Mula sa naturang bilang, 163 dito ang confirmed cases kung saan 146 ang nagmula sa Cagayan, 15 sa Isabela, 2 sa Kalinga at isa sa Apayao.

Habang sa mga binabantayan namang suspected patients na sumailalim sa swab test ay may kabuoang bilang na 37 kung saan 27 ang nagmula sa Cagayan at tig-isa naman ang mula sa Isabela, Apayao, Kalinga at Batanes.

Batay sa kasalukuyang sitwasyon ng hospital, ilan sa mga pasyente ay nasa labas na lamang binabantayan o kaya naman ay nakaparada ang kanilang mga sasakyan malapit sa Nightingale ward habang naka-oxygen.

Hinikayat naman ni Dr. Baggao ang mga pasyenteng positibo sa COVID-19 na magtungo sa mga isolation facilities upang maiwasan ang transmission ng virus.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na sumunod ng maayos sa ipinapatupad na minimum health standards dahil nangangamba ang mga ito na maaring wala nang mapaglagyan ng pasyente lalo na ng mga severe at critical patients kung saan maaring madagdagan ang mortalities.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *