Sorsogon Gov. Escudero, nadismaya sa anomalya sa TUPAD cash aid; ilang Bokal at staff, dawit sa isyu

SORSOGON CITY – Hindi ikinatuwa ni Sorsogon governor Francis ‘Chiz’ Escudero sa natanggap nito na sumbong mula sa isang Board Member sa pagkadawit ng ilang kasamahan na Board Members at staff nito sa umano’y nangyaring maanomalyang pamamahagi ng TUPAD cash aid sa mga benepisyaryo.

Sa impormasyon na natanggap ng gobernador, may 50% umano na hatian na naganap sa nakuhang ayuda ng mga benepisyaryo ng nasabing programa, kung saan kahati ng mga ito ang ilang pinangalanang mga Bokal.

Umano’y ang gumagawa ng diskarte ay ang ilang staff ng mga Bokal, na ayon sa ilang benepisyaryo ay binabanggit lang o ‘name drop’ ang pangalan ng mga Bokal.

Ayon naman sa opisina ng Gobernador, kailangan pa umano ang masusing pag-iimbestiga sa nasabing anomalya dahil hindi matibay ang hawak na ebidensiya ng nagpaabot ng sumbong sa tanggapan ng gobernador na si BM John Paul ‘Tonton’ Erlano.

Sa kaugnay na balita, sinabi naman ni Vice Governor Atty. Wowo Fortes kay Erlano na maglabas ng konkretong ebidensiya sa anomalya na umano’y nangyari sa bayan ng Barcelona.

Hinamon nito si Erlano na kahit sentimong kurapsyon, basta matibay ang ebidensiya ay bababa ito sa posisyon kasama ang kanyang maybahay na kasalukuyang alkalde ng bayan ng Barcelona.

Ang bayan kasi ng Barcelona at Gubat ang nabanggit na mayroong anomalya sa distribusyon ng nasabing ayuda.

Pahayag naman sa Brigada News ng DOLE-Sorsogon head na si Marilyn Luzuriaga, magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon dahil programa at pangalan ng kanilang tanggapan ang dawit sa umano’y anomalya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *