Sorsogon, magiging katuwang ang ilang pribadong kumpanya sa pagpapatupad ng WAsH governance at ZOD program

Magiging katuwang ng Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon ang ilang pribadong kumpanya sa implementasyon ng Water Sanitation and Hygiene o WaSH Governance at Zero Open Defecation o ZOD program sa buong lalawigan.

Kasunod ito ng paghingi ng pahintulot ni Governor Boboy Hamor sa Sanggunian Panlalawigan na pumasok sa isang Memorandum of Understanding kasama ang A Single Drop for Safe Water, Inc. para sa pagpapatupad ng nasabing mga programa.

Matatandaan na Nobyembre ng nakaraang taon nang bumisita sa Sorsogon ang Health Promotion Bureau ng Department of Health Central Office upang suriin ang Zero open toilet campaign ng mga LGU sa probinsya.

Kabilang sa mga sinuri ay ang good practices ng mga munisipyo pagdating sa environmental health and sanitation programs, zero open defecation practices, access to basic water supply, safely-managed water services at basic sanitation facilities and services.

Mababatid na sa tala ng United Nations International Children’s Emergency Fund o UNICEF, mayroong 2.2 billion na tao sa buong mundo ang walang maayos na access sa malinis na inuming tubig; 3 bilyong katao naman ang walang access sa handwashing facilities na mayroong sapat at malinis na tubig  at  sabon laban sa mga mikrobyo at mga bakterya.

Mayroon ding 673 milyong tao ang patuloy na gumagawa ng open defecation.

Ayon pa sa pag-aaral ng UNICEF, umaabot sa 700 mga kabataan na may edad na 5 taong gulang ang namamatay bawat araw sa buong mundo dahil sa ibat-ibang sakit na dulot ng maruming tubig.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *