Sorsogon, may naitalang 8 kaso ng Delta variant

SORSOGON CITY – Mayroong naitalang kaso ng Delta variant sa lalawigan, ito ang kinumpirma ng DOH-Sorsogon.

Sinabi ng pinuno ng kagawaran na si Dr. Gladys Escoto, sa walong kaso, 5 dito ang aktibo habang ang tatlo ay magaling na.

Maliban sa Delta variant, may naitala ring 7 Beta at 5 Alpha.

Pahayag pa ng opisyal, dapat maalarma na dito ang publiko lalo na ang mga walang disiplina sa pagsunod sa ipinapatupad na minimum health protocols, particular na tinukoy nito ang hindi sumusunod sa tamang home quarantine, disinfection at ang pagliliwaliw kung saan-saan na hindi dumadaan sa tamang assessment.

Ayon sa bio surveillance report ng DOH-Bicol, ang limang Delta variant sa Sorsogon ay bagong kaso, apat naman sa Masbate at tigtatlong bagong kaso sa Naga City at sa Camarines Sur.

Ayon pa sa datos, umabot na sa 78 Delta variant ang naitala sa rehiyon, sinundan ng 70 Beta variant at 35 Alpha variant.

Nagpang-apat ang Sorsogon sa may naitalang Delta variant. Nanguna dito ang lalawigan ng Masbate na may naitalang 20 Delta variant na sinundan ng Naga City – 14 at 13 naman sa Albay.

Nilinaw naman ng kagawaran na ang mga datos ay base sa mga specimen na naisumite sa Phil Genome Center (PGC). Hindi pa umano ito ang kabuuang variants of concern na umiikot na sa rehiyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *