State auditor na nasa likod ng DOH report, pumanaw sa atake sa puso

“Stress can kill”

Bahagi yan ng Facebook post ni dating Commission on Audit commissioner Heidi Mendoza kung saan ay isiniwalat niya na nasawi ang kaniyang kasamahan sa COA dahil sa atake sa puso.

Ayon sa post ni Mendoza nitong Martes, pumanaw ang abogado at state auditor na si Jake Cimafranca noong August 4.

Dagdag niya, si Cimafranca ang auditor na nasa likod ng DoH report.

Ang tinutukoy ni Mendoza ay ang ulat kung saan ay nabunyag na meron mga pagkukulang ang Department of Health sa paghawak nito sa mahigit P67-billion na pondo para sa COVID-19 response.

Nilinaw naman ni Mendoza sa isang panayam na ang nais niya lamang ipunto sa publiko na “stressful” ang trabaho ng auditor na gumagawa ng tamang trabaho.

Matatandaan na dinipensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DOH sa isang recorded Cabinet meeting noong Lunes kung saan ay sinabi niya na ang salitang “deficiencies” ay hindi tumutukoy sa korapsyon.

Kinastigo rin ng Pangulo ang COA dahil sa paglalabas nito ng audit kahit hindi pa tapos ang mga proyekto ng gobyerno na dahilan para madungisan ang imahe ng mga ahensya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *