Suntukan ng magtiyuhin sa bayan ng Basud nauwi sa pananaga, suspek arestado sa hot pursuit operation

CAMARINES NORTE- Nagkainitian at nagsuntukan hanggang sa mauwi sa pananaga ang nangyaring away sa pagitan ng magtiyuhin na nangyari dakong alas 11 ng gabi noong Sabado sa Purok 1, Brgy. Oliva, Basud, Camarines Norte.

Ayon sa ulat ng Basud Municipal Police Station, ang biktima ay isang 21 anyos na binata habang ang suspek naman ay ang 40 anyos na tiyuhin nito na kapwa hindi pinangalanan sa kanilang report.

Batay umano sa salaysay ng biktima nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nilang dalawa ng tiyuhin na nauwi sa suntukan.

Pagkaraan ay umalis ang suspek at kumuha ng itak sa kanilang bahay at inabangan ang pag uwi ng biktima

Habang pauwi ang biktima ay sinalubong ito ng suspek at tinaga ng isang beses sa ulo.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Nadakip naman ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya sa tulong na rin ng mga opisyales ng barangay kinaumagahan.

Inihahanda na ngayon ng imbestigador ang mga dokumento para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

Hindi na nabanggit sa ulat ng pulisya kung saan nag ugat ang away ng magtiyuhin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *