Viral na surot, daga, at ipis sa NAIA – paiimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan na ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa Kamara ang mga problemang kinahaharap sa Ninoy Aquino International Airport kabilang na ang paglipana ng mga peste.

Batay sa House Resolution Number 1615, inaatasan ang kaukulang komite na magkasa ng “inquiry in aid of legislation” kasunod ng viral posts sa social media kung saan naglabasan ang mga surot, daga at ipis sa paliparan.

Ayon kay Magsino, bukod sa mga peste ay dapat na ring tingnan at solusyunan ang traffic congestion sa palibot ng NAIA terminals at mahabang pila sa immigration counters na malaking abala para sa mga pasahero at nakasisira sa imahe ng Pilipinas sa “international stage”.

Dagdag ni Magsino, ang mga viral video at reklamo patungkol sa mga surot, daga at ipis sa NAIA terminals ay nagpapakita ng “inefficiency” ng pest control at maintenance systems pati na banta sa public health safety.

Bugbog na aniya ang imahe ng bansa bilang “tourism destination” dahil paulit-ulit na lamang ang mga problema sa NAIA, kaya naman hindi nakapagtataka na bansagang isa sa “world’s worst airports.”

Nagtataka naman si Magsino dahil nitong 2023, napaulat na aabot sa higit 3 billion pesos ang net income ng Manila International Airport Authority o MIAA mula sa mga terminal fees, concession privileges, at aeronautical fees, gayong ang sanitation at traffic congestion sa NAIA ay malaking isyu.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *