Watchdog, naalarma sa mga nagaganap na karahasan at pag-atake sa media

Nababahala na ang isang media watchdog kaugnay sa mga pag-atake at galit laban sa mga miyembro ng media bago ang May 9 elections.

Sinabi ni Center for Media Freedom and Responsibility executive director Melinda Quintos De Jesus na dapat ay maging mas maingat ang journalists bago mag-eleksyon.

Ayon kay De Jesus, kilala ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagiging magagalitin sa press, maliban na lang kung itinuturing ito ng gobyerno bilang “friendly media”.

Kamakailan ay naiulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na nasa 2 journalists na ang napaslang mula nang gawin ang filing ng kandidatura noong October.

Noong October 31, ay pinagbabaril ang radio commentator at reporter na si Orlando Dinoy sa Davao del Sur, habang pinaslang naman ang radio commentator na si Jaynard Angeles sa Sultan Kudarat noong January 12.

Ipinunto rin ng PCIJ na mula nang mag-umpisa ang campaign period noong February 8, ay nasa 3 reporters na ang pinagbawalan na makakuha ng coverage.

Kasama na rito ang ABS-CBN stringer na si Dynah Diestro, na itinaboy mula sa kaniyang coverage sa gitna ng pagbisita ng 4 na senatoriables sa opisina ng gobernador ng Zamboanga del Norte.

Nakaranas naman ang siyam na news websites ng distributed denial-of-service (DDoS) attack.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *