𝗞𝗢𝗠𝗢𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗡𝗚 𝗗𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗨𝗟𝗜𝗦 𝗦𝗔 𝗧𝗨𝗠𝗔𝗨𝗜𝗡𝗜, 𝗡𝗔𝗨𝗪𝗜 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗥𝗜𝗟𝗔𝗡; 𝟮 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬, 𝟭 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡

Nasawi ang dalawang indibidwal at sugatan ang isa pa matapos ang komosyon ng dalawang pulis sa isang restobar sa Barangay District 2, Tumauini, Isabela.

Sa natanggap na impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan mula sa Tumauini Police Station, nagkaroon ng barilan sa pagitan ng dalawang pulis na kinilalang sina PCpl Neil Baquiran, 33-anyos, naka-destino sa Santiago City Provincial Office at Patrolman Jackson Acosta, 25-anyos, na naka-assign naman sa 3rd Mobile Platoon, 1st NVMFC, Nueva Vizcaya PPO.

Dahil dito, nabawian ng buhay si Patrolman Acosta kung saan nadamay sa insidente ang isang magsasaka na si Donie Cullado na binawian din ng buhay habang nagtamo naman ng sugat si Anecleto Arugay.

Inaresto ng mga rumespondeng kapulisan ng PNP Tumauini si Baquiran habang nakumpiska naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang unit ng Glock 9mm na issued service firearm ni Baquiran maging ang Taurus 9mm na issued firearm ni Acosta para sa ballistic examination.

Kasunod nito, sa isinagawang proseso ng Isabela Provincial Forensic Unit ay natuklasan sa crime scene ang 13 FCC ng cal.9mm, at iba pang bala ng cal. 9mm na baril.

Habang hinihintay pa ang resulta ng autopsy ng yumaong si Acosta maging ang ballistic examination result.

Sasailalim sa paraffin test ang lahat ng sangkot sa insidente maging ang mga rumespondeng kapulisan upang matiyak ang patas na imbestigasyon at inaalam rin ang sanhi ng komosyon.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis at ng Forensic Unit subalit base sa mga nakuhang ebidensiya ay malinaw na nalabag ni Bacquiran ang B.P. 881 sec. 261 o ang Omnibus Election Code dahil sa pagdadala nito ng baril sa loob ng restobar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *