1 sugatan, 1 huli sa robbery incident sa Norala, SoCot

KORONADAL CITY — SUGATAN ang isang lalaki habang arestado naman ang kasama nito sa nangyaring robbery incident sa Laysa Eatery na pagmamay-ari ni Gemma Laysa ng Barangay Dumaguil, Norala South Cotabato, matapos na nakipag-engkwentro sa mga miyembro ng Cafgu sa may 5th BN SFCAA Detachment pasado alas 5:00 ng hapon kahapon.

Kinilala ng Norala PNP ang sugatang suspek na si Asim Fahad Mamalinta, 20 anyos habang nahuli namna ang kasama nitong si Ramil Ali, 32, may-asawa, kapwa mga residente ng Barangay Salimsi, Buluan Maguindanao Province.

Ayon sa Norala PNP, pinara ang mga suspek nang dumaan ang mga ito sa Cafgu detachment, ngunit sa halip na tumigil, pinaputukan ng mga ito ang mga Cafgu na gumanti naman ng putok.

Dahil sa insidente, tinamaan ng bala si Mamalinta sa tagiliran dahilan upang dalhin ito sa ospital.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre 38 na may tatlong bala; tatlong cellphone na pagmamay-ari ng biktima; isang motor na walang plaka at dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Sa ngayon, nananatili sa ospital si Mamalinta habang nasa kostudiya naman ng Norala PNP ang naaresto nitong kasama.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *