2 natuklaw ng Cobra Camarines Sur; isa nasawi

NAGA CITY- Natuklaw ng makamandag na Philippine Cobra ang dalawang lalaki sa Calabanga Camarines Sur; isa ang nasawi habang ang isa ay nasa ospital.

Una ay ang 27-anyos na residente ng Barangay Fabrica kung saan tumungo ito sa sakahan at natuklaw sa paa ng pinaniniwalaang cobra noong nakaraang linggo. Malayo pa ang nilakad nito bago makarating sa kanilang tahanan. Ayon sa MDRRM Office at kay Mayor Ed Severo, napag-alaman nilang sa halip na ipadala o dalhin sa ospital dinala muna ito ng pamilya sa isang marunong umano ng first aid o ang marunong “mag-tambal”. Nang rumisponde ang MDRRM at sinubukang iligtas ang padre de pamilya, wala na itong pulso. Cobra ang hinala ng mga residente dahil sa bilis ng epekto sa biktima. 

Nitong Enero 9 naman, 47-anyos na lalaki ang natuklaw sa Barangay Pagatpat.  Ang ahas ay nasa ilalim ng lumang washing machine.  Napatay ng mga residente ang makamandag na ahas. Dinala kaagad sa Bicol Medical Center ang natuklaw at ngayon ay nasa Medical Ward na. Ang anti-venom ay mula pa sa lalawigan ng Catanduanes. Wala na sa ibang mga ospital sa lalawigan at kalapit probinsya. .

Dahil dito pinaalalahanan ng LGU ang publiko na mag-ingat dahil may mga hayop na lumalabas mula sa kanilang habitat o tirahan.

Ayon naman kay Lizel Valenciano ng Department of Environment and Natural Resources sa Camarines Sur, kung may makita i-report sa kanila para sa tamang handling. Kung nahuli naman ay i-surrender sa opisina.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *