2 Taiwanese na sangkot sa human trafficking, arestado sa Makati City

Nasakote ang dalawang Taiwanese nationals na sangkot sa iba’t ibang ilegal na aktibidad sa isinagawang joint operation ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Bureau of Immigration.

Kinilala ang mga suspek na sina Yuan Bo-Chun at Lin Jyun-Ze na dinakip sa loob ng isang condominium unit sa Makati City.

Nabatid na si Yuan ay target ng mission order ng BI bunsod ng arrest warrant na inilabas ng Taiwan District Court dahil sa kasong human trafficking.

Habang nagsasagawa ng operasyon, nahuli naman sa akto si Lin na nag-o-operate ng workstation na pinaniniwalaang ginagamit na scamming at illegal online gambling sites.

Nakumpiska ng nga awtoridad ang mga computer system units, SIM modems, libu-libong pre-registered SIM cards, ATM cards, at pekeng ID.

Bukod dito, narekober din ang high powered firearms, mga bala at high-grade marijuana.

Si Yuan ay dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig kung saan ito mananatili hanggang sa i-deport habang si Lin ay dinala sa National Capital Region Police Office habang hinihintay ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa local courts.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *