336 na mga biik, naipamahagi na ng DA Region 2

Umabot na sa kabuoang 336 na mga sentinel pigs ang naipamahagi na ng Department of Agriculture Region 2 sa buong lambak ng Cagayan para sa mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).

Sa lalawigan ng Isabela ay sinimulan na rin ang distribusyon ng inisyal na bilang ng sentinel pigs kahapon, July 6, 2021 na pinangunahan ni DA Usec. Dr. William Medrano at Regional Director Narciso Edillo.

Isinagawa ang naturang aktibidad sa bayan ng Echague kung saan nagtungo rin sa venue ang mga magsasaka mula sa mga bayan ng Cordon, San Isidro, Echague at San Guillermo kung saan nasa 63 na sentinel pigs ang naipamahagi sa mga ito.

Ayon sa ahensya, sumaillaim sa masusing pagsusuri ng Municipal Agriculturists, PVET at balidasyon ng DA ang mga farm ng mga nabigyang magsasaka.

Habang nakatanggap naman ang lalawigan ng Cagayan ng 140 na sentinel pigs para sa mga magbababoy na naapektuhan ng ASF sa mga bayan ng Amulung, Tuao, Piat, Alcala, Solana at Baggao.

Magugunitang nauna nang namahagi ang DA Region 2 ng baboy sa Nueva Vizcaya na may 63 na piraso at 70 naman sa Quirino Province.

Samantala, nagpasalamat naman si Usec. Medrano sa mga lokal na pamahalaan sa suporta na ibinibigay sa paglulunsad ng BABay ASF at hog repopulation program.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *