8 PPA officials—sibak matapos mag-party sa loob ng opisina

Sinibak na sa pwesto ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang walong ( 8 ) opisyal ng Port Management Office (PMO) ng Bohol matapos mahuli sa CCTV na nag-iinuman sa loob mismo ng multipurpose hall ng opisina ng pantalan nitong August 16.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng PPA, birthday ni Acting Port Manager Lord Tyrone Agaton noong araw na iyon at nagkaroon ng party at nakita ito sa CCTV.

Kabilang sa mga nasibak ay sina Acting Port Manager Agaton, kasama sina PMO Bohol Port Services Division Manager Julius Jumangit, Atty. Sherlito Columnas Jr. ng legal department, Safety Officer Atty. Romeo Cabading II at limang police officers.

Ayon kay Santiago, hindi karapat-dapat sa serbisyo ng gobyerno ang mga tiwali at abusadong opisyal na hindi marunong rumespeto sa mga pasilidad na ng pamahalaan na ginawa para sa taumbayan.

Sinabi ni Santiago, hindi nagsisinungaling ang CCTV at isang malaking pagkakamali na gawin ang inuman sa loob ng opisina kasama ang mga matataas na kawani ng pantalan sa Bohol.

Agad namang humingi ng paumanhin ang Acting Port Manager ng Bohol, depensa nito bunsod lamang ng kalasingan sa alak kaya’t nakuha nilang mag-inuman, mag-sayawan, at magkantahan sa loob mismo ng opisina sa pantalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *