Anak ng alkalde ng Lutayan, at 1 pa, patay sa pamamaril sa Sultan Kudarat

KORONADAL CITY — DALAWA ang patay kasama na ang anak ng alkalde ng Lutayan, Sultan Kudarat habang dalawa naman ang sugatan sa nangyaring pamamaril, alas-6:30 kagabi sa public market ng Barangay Tamnag ng bayan.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Police Captain Leonel Delasan, chief of police ng Lutayan PNP, kinumperma nito na dead on arrival sa nasabing pamamaril si Datu Naga Mangudadatu, 30, may-asawa, residente ng Barangay Tamnag at anak ni Lutayan Mayor Datu Pax Mangudadatu na dating gobernador din ng lalawigan.

Patay din sa pamamaril si Dennis Hadji Daup, 25, single at residente ng Barangay Paitan, Mangudadatu, Maguindanao del Norte.

Maliban sa mga namatay, dalawa din ang sugatan sa insidente na kinilalang si Watari Kalim, 34, residente ng Barangay Paitan, Mangudadatu at isang 11-anyos na menor de edad.

Ayon kay Delasan, nasa kanyang puwesto sa palengke si Mangudadatu nang pinagbabaril ang mga ito ng mga suspek na naka-sakay sa isang pick-up at armado ng mga matataas na kalibre ng baril.

Isinugod pa sa ospital sa Koronadal City ang mga biktima ngunit ideneklarang dead on arrival si Mangudadatu, habang binawian naman ng buhay habang ginagamot si Daup.

Nasa stable ng kondisyon si Kalim habang isasailailm naman sa operasyon ang 11-anyos na biktima.
Sa ngayon, ina-alam na ng mga otoridad ang motibo sa pamamaril at kung sino-sino ang mga suspek na mabilis tumakas matapos nagawa ang krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *