Barangay Chairman, patay sa pamamaril sa Masbate

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Mandaon Police sa nangyaring pamamaril sa kanilang Area of Responsibility (AOR) kung saan ang biktima ay ang incumbent Brgy Chairman ng Bat-ongan, Mandaon, Masbate.

Kinilala ng hepe ng Mandaon MPS na si PMaj Joericson Salangalang ang biktima na si Brian Vicente Vargas, 40-anyos.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima, kasama ang kanyang live-in partner ay lulan ng kulay pula na Mitsubishi Adventure at binabagtas ang kahabaan ng National Road patungo sana sa Brgy Managanaga, Aroroy, Masbate.

Hindi na nakarating sa kanilang patutunguhan ang mga biktima dahil pagdating sa Brgy Mabatobato ay tinambangan sila ng mga suspek lulan ng puting van.

Pinaulanan ng bala ang pulang sasakyan dahilan nang agarang pagkamatay ng biktima at himala namang nakaligtas ang kalive-in partner nito na nakilalang si Dona Dumalaon Amican, 35-anyos.

Ayon sa mga nakasaksi, tatlong suspek umano ang bumaba sa puting van at niratrat ng bala, hindi lang ang Mitsubishi Adventure kundi pati na ang walang kalaban-laban na biktima.

Inaalam na ng mga imbestigador ang motibo sa nasabing krimen at hindi nila inaalis sa imbestigasyon ang iba pang posibleng motibo sa pagpaslang katulad ng pulitika, kaalitan kung meron man o personal na galit sa biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *