Bayombong BFP Personnel, patay sa aksidente

Nasawi sa aksidente sa San Mateo, Isabela ang isang kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) Bayombong, Nueva Vizcaya habang nakaligtas naman ang kasama nito.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, kinilala ang nasawi na si Klein Rommel Enriquez, 24-anyos at residente ng Inanama, Alicia, Isabela habang ang nakaligtas naman nitong kasama ay si Romar Uyami, 26-anyos na residente naman ng Communal, Solano, Nueva Vizcaya.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na minamaneho ni Enriquez ang kaniyang Yamaha rouser angkas si Uyami patungong timog na direksyon  habang kasalubong naman nito ang forward truck na minamaneho ni Roberto Paras, 51-anyos.

Huminto umano ang truck sa pag-aakalang  magbabanggaan ang kolong-kolong at motorsiklo sa kaniyang harapan ngunit pumihit umano ang kolong-kolong dahilan upang mabangga ang motorsiklong minamaneho ni Enriquez sa truck.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si Enriquez na agarang idinala sa pagamutan ngunit ideklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician habang nakaligtas naman ang angkas nitong si Uyami.

Nakatakda namang magkaroon ng pangalawang pag-uusap ang drayber ng truck na si Paras at pamilya ng biktima matapos tumutol sa unang pag-uusap ang ama ng biktima sa mungkahi ni Paras na magbibigay na lamang ito ng tulong.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng San Mateo Police Station ang drayber ng truck.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *