BFAR pinaalalahanan ang binabagsakan ng tahong sa lalawigan na galing sa ibang lugar na palaging hingin ang mga dokumento

CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga binabagsakan ng tahong o iba pang shellfish dito sa lalawigan ng Camarines Norte na galing sa ibang lugar na palaging hanapin ang mga mga dokumento sa nagbibiyahe ng mga ito.

Ito ay upang masiguro na ligtas itong kainin at dumaan sa tamang proseso.

Ayon kay Provincial Fishery Officer Rolando Tiam, dapat umanong hingin ang Land Transport Permit (LTP) nito upang malaman kung saang lugar galing ang mga tahong o shellfish.

Kaakibat ng LTP ang health certificate galing sa pinangalingang Municipal Health Office.

Pinapayuhan din ang mga nagtitinda nito na kahit sa cellphone ay kunan ng litrato ang mga dokumento upang kung sakali man na mayroong enforcer ay mayroong maipakita.

“Ina-advise ko yung mga  nagtitinda na kahit sa cellphone lang nila picturan nila yung sinasabi nila na dokumento na meron, para kung merong mga enforcer na lalapit sa kanila at inspeksyunin meron silang papakita kasi po mahirap naman na kukumpiskahin yan sainyo eh meron naman yang puhunan kaya kinakailangan meron din kayong sapat na ebedensiya na magsasabi na yung tinda niyo ay safe sa ganung uri ng disease.”

Ayon pa kay Tiam madalas ang mga kaso ng red tide kapag sasapit ang ganitong panahon ng tag ulan dahil nabubuhay ang tinatawag na dinoflagellates.

Mas dumarami umano ang mga ito kapag ganitong galing sa tag init patungo sa panahon ng tag ulan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *