Bicolanong nasawi sa Sulu plane crash, 2 na; isa sa mga ito kabilang sa mga nasunog kaya hindi agad maiuuwi

BICOL—Isa pang Bicolanong sundalo ang napabilang sa malagim na plane crash sa Patikul, Sulu nitong Linggo.

Nakilala itong si Sgt. Jack P Navarro, tubong Brgy. Iyagan, Baao, Camarines Sur at load master ng bumagsak na C-130 plane.

Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak nito. Ayon sa pinsan nitong si Lorena, nakakapanghina na ganito ang sinapit ng kanyang pinsan pero proud umano sila dito at ang sambayanang Pilipino dahil isa itong bayani.

Bumuhos naman ang pakikidalamhati sa facebook post nito mula sa mga kapwa Bicolano kasabay ng pagsaludo at pasasalamat sa naging serbisyo nito.

Samantala, hindi pa umano maiuuwi agad sa pamilya nito ang bangkay ng isa pang Bicolanong sundalo mula sa Nabua, Camarines Sur na si Army Corporal Dexter Espares Estrada.

Ito ay dahil kabilang sa mga nasunog ang mga labi nito kung kaya isasalang muna sa DNA test upang matiyak na tamang bangkay ang maiuuwi sa nagdadalamhating pamilya.

Ayon sa ama nito na isang retired army, walang ibinigay na timeline ang AFP kung kelan maiuuwi ang bangkay ng kanyang anak sa bayan ng Nabua.

Pakiusap naman ng ina nito sa AFP, sana ay masigurong bangkay nga ng anak niya ang maiiuwi sa kanilang bayan.# || SLM

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *