Big time pusher ng Legazpi City, nakatakas sa buy-bust operation sa Daraga, Albay

LEGAZPI CITY – Nakatakbo ang big time pusher ng Legazpi City sa isang buy-bust operation sa Purok 2, Brgy. Sipi, Daraga, Albay.

Kinilala alyas “Tikboy”, residente ng Brgy. Bigaa ng nasabing lungsod.

Ayon sa report, gabi nang ikasa ng Daraga MPS ang anti-illegal drug operation sa nabanggit na barangay laban sa suspek.

Nakasakay umano ang suspek sa kulay itim na motorsiklo habang isinasagawa ang transaksyon sa poseur buyer.

Nang magkaabutan na ng drug items, dito na nakatunog ang suspek na ang kanyang katransaksyon ay isa sa mga otoridad saka pumalag at pinatakbo nang mabilis ang kanyang motorsiklo palayo.

Hinabol nito ng pulisya ngunit sa hindi kalayuan, natumba ito at iniwan ang motorsiklo saka tumakbo papalayo.

Sinubukan pa itong habulin ng operatibo ngunit mabilis ang suspek at posibleng nakatago ito.

Napag-alaman na nahuli na rin ito noon ng mga otoridad at dati nang nakulong dahil din sa ilegal na droga.

Samantala, ang mga narekober na drug at non-drug items ay dadalhin sa himpilan ng pulisya habang ang suspek na nakatakas ay sasampahan na lamang ng kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *