Bilang ng mga namatay dahil sa kagat ng hayop tumaas ngayong taon

CAMARNES NORTE – Tumaas ang bilang ng “human death” o ang mga namatay dahil sa kagat ng hayop ngayong taon kumpara noong 2020.

Sa isinagawang Media Dialogue kahapon tungkol sa Rabies, inihayag ni Francia Genorga, OIC Infectious Diseases Cluster ng Department of Health- Center for Health and Development (DOH- CHD) Bicol na hindi dapat balewalain ang kagat ng hayop dahil nakamamatay ito.

Batay sa datos, lima ang naitalang pagkamatay sa Camarines Norte mula Enero hanggang Setyembre dahil sa kagat ng hayop kumpara sa apat sa buong taon ng 2020.

Umaabot naman sa 4, 744 ang bilang ng mga naitalang animal bite sa lalawigan ngayong taon  mula Enero hanggang Hunyo.

Noong 2020 nasa 6, 392 ang bilang ng mga nakagat ng hayop

Sa buong rehiyon, mas mataas ang bilang ng mga nasawi  ngayong taon na mayroong 31 kumpara sa 26 noong nakaraang taon.

Posible pa itong madagdagan lalo’t mahigit dalawang buwan pa ang natitira bago matapos ang 2021.

Marami umanong dahilan kung bakit mataas ang bilang ng mga namatay dahil sa kagat ng hayop pero ang pinaka rason aniya ay ang mga restriction na ipinapatupad dulot ng COVID- 19.

Dahil daw kasi limitado ang galaw ng mga tao at kakulangan ng transportasyon ay hindi sila makapagpatingin sa doktor at makapunta sa health center.

Problema din naiya ang gastos at abala lalo na kapag nakatira sa malalayong lugar

Takot din umanong mahawa ng COVID- 19 ang mga tao kaya’t ayaw pumunta sa ospital.

“Yung mga tao ay limitado ang movement, hindi sila makapag check -up, hindi makapunta sa mga health centers at limitado ang transportation,” ani Genorga.

“May mga kagat ng hayop na nasa malalayong lugar so karamihan wala silang pamasahe tapos takot ngang pumunta sa ospital dahil nga may COVID, yun ang mga reasons kung bakit maraming nakakagat at tumataas ang number of deaths.”

Sa buong Bicol umaabot sa 25, 763 ang kabuuang bilang ng animal bite sa unang anim na buwan ng 2021 habang noong 2020 ay mayroong naitalang 46, 831 sa buong taon.

Sabi ni Genorga, 90 % nang naitalang animal bite ay kagat ng aso.

Aniya, ang rabies ay isang mapanganib na sakit na nakakahawa at nakakamatay dahil inaatake nito ang central nervous sytem ng tao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *