BSKE 2023, ‘generally peaceful’ ayon sa COMELEC

Inihayag ng Commission on Elections na “generally peaceful” ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong araw.

Sa press briefing sa command center ng COMELEC, sinabi ni Chairman George Erwin Garcia na mayroon pang mahigit dalawandaang libong voting precincts na ipinagpapatuloy ang botohan dahil sa haba ng pila ng mga botante.

Kabilang na rito ang dalawang presinto sa Puerto Princesa City kung saan pumasok ang ilang indibidwal at pinagpupunit ang mga balota.

Ang ilang voting centers naman sa Mindanao partikular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay naantala ang pagsisimula ng botohan dahil hindi agad nai-deliver ang election paraphernalia at siniguro muna ang kaligtasan.

Ipinagmalaki rin ni Garcia na walang naitalang kaguluhan sa 365 areas na itinaas sa red category pati na sa lalawigan ng Abra.

Para naman sa kauna-unahang persons deprived of liberty o PDL voting, 77 percent ang naging turnout sa buong bansa habang sa New Bilibid Prison ay 92 percent ng eligible inmates ang bumoto.

Bukod dito, inamin ng poll body chief na nakapagtala ng insidente ng paper jam sa vote counting machines sa tatlong barangay sa Dasmariñas City at sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City ngunit agad na napalitan ang mga makina.

Ang mga naturang barangay ay bahagi ng pilot testing para sa full automation pagdating ng taong 2025.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *