Campaign materials na nakadikit sa mga ‘di itinalagang lugar at oversized, binaklas sa Cauayan City

Isinagawa ngayong araw sa Cauayan City ang pagbabaklas ng mga oversized campaign material at hindi nakalagay sa itinakdang lokasyon kung saan  maaring idikit o ilagay ang mga ito.

Pinangunahan ng COMELEC Cauayan City ang pagtanggal sa mga poster katuwang ang mga kasapi ng POSD Cauayan City, PNP, BFP, DENR, CEEMDO at DPWH.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na kanilang tinanggal ang mga campaign materials na nakadikit sa mga poste at kawad ng kuryente o lumabag sa panuntunan ng COMELEC.

Ayon pa kay POSD Chief Mallillin, bilin ng COMELEC na baklasin din ang mga posters na labis ang laki o lagpas sa itinakdang standard size ng poll body.

Mayroon lamang aniya na mga inilaang lugar kung saan maaaring magdikit o maglagay ng poster sa lunsod gaya ng Rizal Park o di kaya naman sa Brgy. Tagaran at Cabaruan.

Bawal din aniya na maglagay ng mga tarpaulin sa mga paaralan, government property o saan mang lugar na wala sa itinakda ng COMELEC.

Karamihan umano sa kanilang mga nabaklas ay mga poster o tarpaulin ng mga Party-list, Presidential at Senatorial Candidates.

Ayon pa kay POSD Chief, ipinag-utos din umano ni COMELEC Cauayan Election Officer Atty. Jerbee Cortez na baklasin ang mga campaign materials ng mga local candidates na hindi sumunod sa mga panuntunan ng naturang tanggapan.

Maayos din aniyang tinanggal ang mga ito at dadalhin sa tanggapan ng COMELEC Cauayan para sa accounting.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *