Pagbaba sa alert level 2 status ng Cauayan City, ikinatuwa ng mga tricycle driver

Natutuwa ang mga tricycle driver ngayong bumaba na sa Alert level 2 ang status ng lunsod ng Cauayan.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay FESADECO Vice President Roland Lanuza, sinabi niya na kasabay ng pagbaba na sa alert level 2 system ng lunsod ay inaasahan ang mas maraming taong lalabas at marami silang mga maisasakay na pasahero.

Bagaman wala pa naman aniyang anunsyo sa kanila kung aalisin na ang number coding scheme dahil hinihintay pa ang direktiba mula sa kinauukulan.

Ngunit sa ngayon ay maayos naman aniya ang pagkakaroon ng coding dahil hindi sabay-sabay na lalabas ang lahat ng mga namamasadang tricycle sa Cauayan City at pahirapan ang paghagilap ng mga pasahero.

Ayon pa sa kaniya, mainam din sa ngayon ang isahan lang na pasahero ngunit 20 pesos ang minimum fare kaysa sa magiging dalawa subalit babalik naman sa minimum na sa 13 pesos lang ang pasahe.

Samantala sa panayam naman kay POSD Chief Pilarito Mallillin, hihintayin pa kung aamendyahan ng city council ang guidelines kaugnay sa coding scheme.

Batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tsuper, mas gusto umano ng mga ito na magkaroon ng coding kaysa lumabas silang lahat at mahirapan din sa pamamasada.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *