Cellphones, pera ng 7 kabataan sa Koronadal, natangay ng umano’y scammer

KORONADAL CITY — NAWALAN ng mga cellphone at perang mahigit sa P3,000 ang pitong mga kabataan dahil sa umano’y scammer na nakilala ng mga ito sa Rizal Park, nitong lungsod.

Sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal sa isa sa mga biktima na kinilalang si Lode Mendio, 18, residente ng Barangay Liberty, Tampakan, South Cotabato, nagpanggap na naghahanap ng trabahante ang umano’y scammer na nagpakilalang si alyas “Boyet”.

Dahil interesadong mag-trabaho, nakipagkita umano ito kay Boyet sa Rizal Park, kasama ang dalawang iba pang minor de edad.

Sa kanilang pagkikita, kinuha umano ni Boyet ang kanilang mga cellphone upang lagyan umano ng GPS sabay utos sa mga ito na bumili ng bio-data.

Nang bumalik, wala na si Boyet dala ang kanilang mga cellphone at perang mahigit sa P3,000 na hiningi ng suspek bilang bayad umano sa kanilang uniform.

Maliban kay Mendio, napag-alaman na apat na iba pang mga kabataan ang nabiktima din ni Boyet sa kaparehong modus.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *