China, hinamon ng isang kongresista na tumupad sa kasunduan sa Amerika para umiwas sa “miscalculations”

Ikinalugod ni Cagayan De Oro City Second District Representative Rufus Rodriguez ang pangako ni US Secretary of State Anthony Blinken ukol sa kanilang obligasyon na depensahan ang bansa sakaling magpatuloy ang pagiging agresibo sa West Philippine Sea.

Ayon kay Rodriguez, binibigyang-diin nito ang commitment ni US President Joe Biden kay Pangulong Bongbong Marcos sa kasagsagan ng matagumpay na trilateral summit sa Washington, D.C.

Ito aniya ang ikalawang statement mula sa Amerika sa loob ng dalawang linggo na nagpapaalala sa China na nakahanda itong ipagtanggol ang Pilipinas kapag inatake ang anumang barko, eroplano o sundalo sa WPS.

Sa pulong kina Chinese President Xi Jing at sa kanyang counterpart na si Wang Yi, nilinaw umano ni Blinken na bagama’t tutulong ang Estados Unidos sa pagpapahupa sa tensyon ay nananatili pa rin ang “ironclad commitment” sa Pilipinas.

Base sa mga ulat ay nagkasundo umano ang US at China na iiwas sa “miscalculations” sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng dayalogo sa mga isyu ng hidwaan kabilang ang South China Sea.

Iginiit ni Rodriguez na dapat patunayan ng China na tapat ito sa binitawang salita at itigil na ang panghihimasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Punto pa ng kongresista, ang kasunduan ay nangangahulugang isusuko na ng China ang mga inokupang teritoryo sa EEZ, aabandonahin ang Bajo de Masinloc at ititigil ang harassment sa resupply missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *