DFA: wala pang Pinoy ang humiling ng emergency repatriation sa Israel at Iran

Wala pang naitatalang overseas Filipino workers na humihiling ng emergency repatriation mula sa Israel matapos magpakawala ng aerial strikes ang Iran.

Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs ukol sa crisis plans ng gobyerno kapag may giyera o conflict sa ibang bansa, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Robert Ferrer na maliban sa “routine repatriation” ay wala pang OFW sa Tel Aviv na humingi ng tulong dahil sa takot sa missiles.

Ipinaliwanag ni Ferrer na ang routine repatriation ay yaong mga kababayan natin na wala nang trabaho o employer sa Israel.

Maging ang embahada sa Tehran ay wala pang natatanggap na request para sa emergency repatriation.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Alert Level 2 ang Israel na nangangahulugang hindi pa nagpapatupad ang pamahalaan ng mandatory repatriation dahil walang deklarasyon ng digmaan.

Idinagdag pa ni Department of Migrant Workers Officer-in-charge Hans Leo Cacdac na umiiral ang deployment ban para sa “new hires” ngunit ang mga nagbakasyon sa Pilipinas na mayroong existing employer ay maaaring bumalik sa Israel.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *