DPWH tiniyak ang kahandaan na tulungan ang Comelec sa isa pang Operation Baklas bago ang BSKE

CAMARINES NORTE – Magkakaroon ng ikalawang round ng Operation Baklas ang Commission on Elections sa Biyernes, October 27 para tanggalin ang mga illegal campaign materials ng mga kandidatong tumatakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Kaugnay nito ay tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang suporta sa nabanggit na aktibidad.

Ayon kay District Engineer Edwin Bermal ng Camarines Norte District Engineering Office, tuwing ganitong mag eeleksyon ay tumutulong naman talaga sila sa Comelec sa pamamagitan ng pagpapahiram ng kanilang mga resources.

Aniya, ito ay joint effort ng iba’t- ibang ahensiya ng gobyerno sa pangunguna ng Comelec at ang DPWH ay isa lamang sa mga katuwang.

Nagpatutsada rin si Bermal sa ilang mga kandidato at taga suporta na hindi sumusunod sa batas.

Aniya, walang problema sa kanila na tumulong sa Comelec para sa ganitong gawain. Ang problema daw talaga ay ang mga hindi marunong sumunod sa mga umiiral na batas panghahalan.

Samantala, nakatuon naman ang pansin ngayon ng Operation Baklas Team sa mga campaign materials na nakasabit sa puno, poste at sa iba pang hindi designated poster areas.

Ito ay makaraang ideklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang pagbaklas ng mga campaign materials na  pag-aari at naka-display sa pribadong lugar.

Sinabi ng Korte Suprema na batay sa Republic Act No. 9006 (RA 9006), o Fair Election Act, pinahintulutan lamang ang Comelec na magpatupad ng regulasyon para sa election propaganda na pag-aari ng mga kandidato at kanilang partido. Sabi pa sa desisyon ng SC, hindi rin pinapayagan ang Comelec na kontrolin ang political speech sa loob ng private property.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *