Economic team buo pa rin ang tiwala kay PBBM, sa kabila ng pagbaba ng approval rating ng Pangulo

Sa kabila ng pagbaba ng approval rating ni Pangulong Bongbong Marcos sa lumabas na pinaka huling survey, tiniyak ng economic team ng Marcos Administration na nananatiling matatag ang kanilang tiwala sa Pangulo.

Batay sa “Pahayag” survey ng Publicus Asia, lumalabas na naapektuhan ang approval rating ng Pangulo ng mga tinatawag na “economic headwinds.”

Sa joint statement na inilabas ng mga miyembro ng economic team na sina DOF Secretary Benjamin Diokno, NEDA Secretary Arsinio Balisacan, at DBM Secretary Amenah Pangandaman, sinabi nilang natural lamang ang pagbabago-bago ng approval at trust ratings dahil sa mga hindi kontroladong salik, tulad ng economic conditions.

Pinunto rin nila na ang survey ay batay lang sa opinyon o pananaw ng tao at hindi sa konkretong datos.

Kaugnay nito ipinagmalaki ng Economic Team ang GDP growth ng Pilipinas na umabot sa 5.3% sa unang semester ng taon, na itinuturing na pinakamataas kumpara sa iba’t ibang emerging markets sa ASEAN-6.

Ayon sa kanila, naungusan pa ng bansa ang Singapore, Malaysia, Indonesia, Vietnam, at Thailand.

Nasa pangatlong puwesto rin ang Pilipinas pagdating sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa lahat ng mga bansa sa Asya na may available na datos ng GDP.

Sa huli, tiniyak ng mga economic managers na kahit ano pa ang maging resulta ng survey, itataguyod nilang mas mapaunlad ang ekonomiya ng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *