Fisherfolks Association sa bayan ng Jose Panganiban pagkakalooban ng proyektong fish pen ng BFAR

CAMARINES NORTE- Pagkakalooban ng proyektong fish pen ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang Sta Milagrosa Fisherfolks Association sa bayan ng Jose Panganiban Camarines Norte bilang tulong sa kanilang kabuhayan.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Provincial Fishery Officer Rolando Tiam sinabi nito na mayroong tatlumpung miyembro ang grupo na makikinabang sa proyekto.

Ayon kay Tiam, sa bayan ng Capalonga umano ang orihinal na plano para ilagak ang proyekto pero hindi ito nakalusot sa ginawang evaluation at sa requirements.

Nailipat ang proyekto sa Jose Panganiban at ang Sta Milagrosa ang nabenipisyuhan makaraang irekomenda ng LGU.

Ito umano ang inrekomenda ng LGU dahil matatag na itong People’s Organization na nakarehistro na rin sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Mayroon umanong pipirmahang Memorandum of Agreement sa pagitan ng LGU, Sta Milagrosa Fisherfolks Association at BFAR kung saan nakalatag ang kani- kanilang obligasyon.

Ang fish pen ay may sukat na 25m x 25 by 6 na nagkakahalaga ng nasa P257,000.

Tiniyak din ni Tiam na hindi masasayang ang proyekto dahil bago umano ito ipagkaloob sa mga beneficiaries ay isasailalim ang mga ito sa seminar hinggil sa pag- manage ng fish pen.

“Actually po ito bago po ibigay sa kanila magkakaroon po sila ng seminar sa management ng fish pen sa pag- manage po ng kanilang pera dahil ito po yung kabilihan yung production nitong fish pen na ito, sila  po ang magma- manage noon, ang sa amin lang po sa BFAR ang kailangan po namin ay yung production.” Ani Tiam.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *