Ginang na pinagbintangang mangkukulam, nilaslas ang leeg sa Batangas

Sugatan ang isang ginang matapos na laslasin ang leeg nito ng isa sa magkapatid na umatake sa kanya sa Brgy. Muzon, San Luis, Batangas.

Ayon sa San Luis Municipal Police Station, ang 54-anyos na biktima, vendor, ay pinagbintangang mangkukulam ng magkapatid na suspek na sina Arnold at Roderick De Chavez.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-7:30 kagabi ng Sabado habang nasa labas ng bahay ang biktima ay bigla na lamang umanong sumulpot ang suspek na si Roderick at sinakal ang ginang.

Bigla ring dumating ang kapatid nitong si Arnold at nilaslas ang leeg ng ginang gamit ang kutsilyo.

Agad na tumakas ang magkapatid dala ang ginamit na kutsilyo.

Dinala sa ospital ang ginang at kasalukuyang nagpapagaling.

Sa isinagawang follow up operation ng mga awtoridad ay naaresto ang suspek na si Roderick habang pinaghahanap pa rin ang kapatid nito.

Sa inisyal na imbestigasyon, pinagbintangan ng mga suspek ang biktima na kinulam nito ang kanilang ina na namatay sa karamdaman.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naturang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *