Pagsisimula ng open-pit mining operation sa Tampakan, hindi totoo ayon sa PEMO

KORONADAL CITY- PINABULAANAN ni South Cotabato Provincial Environment Management Officer o PEMO Seigfred Flaviano na nagsimula na ang open-pit mining operation ng Sagittarius Mines Incorporated o SMI sa bayan ng Tampakan.

Ayon kay Flaviano na batay sa kanilang monitoring, ang aktibidad pa lamang ng kompanya ay ang pagkuha at pagmonitor ng water sampling at estado ng lugar.,

Ito ay taliwas sa mga kumakalat na impormasyon na nagsimula na ang open pit mining operation sa Tampakan at mayroon na umanong malaking butas sa bulubunduking bahagi nito.

Inihayag ni Flaviano na bagamat hindi pa nagsisimula ang operasyon ng SMI, nagpapatuloy ang kanilang monitoring dahil activated ang multi-partite monitoring team o MMT nito.

Mahigpit ding binabantayan ng PEMO at ng MMT ang mga illegal small scale miners sa naturang lugar.

Napag-alaman na nananatili ang ban sa open-pit mining sa probinsya matapos na ibineto ni Governor Reynaldo Tamayo Jr ang naipasang amended ordinance ng Sangguniang Panlalawigan na nag-aamyenda sa Environment Code.

Ngunit una nang nilinaw ng gobernador na small scale mining operation lamang ang sakop ng local government at ang mga large scale mining ay nire-regulate naman ng national government.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *