Granular lockdown sa isang barangay sa Bagamanoc, Catanduanes, posibleng pahabain pa ng 2 linggo

Catanduanes—Posibleng mapahaba pa ng dalawang linggo ang ipinatupad na lockdown sa Brgy. Bacak sa bayan ng Bagamanoc, Catanduanes bunsod ng patuloy na pagdami ng mga residenteng tinatamaan ng sakit.

Ayon kay Nathaniel Prima – Spokesperson ng Rural Health Unit sa nasabing bayan, posibleng dagdagan pa ng 14 na araw ang granular lockdown sa naturang lugar dahil sa pag positibo rin sa COVID-19 ng ilan pang kapamilya at kapitbahay ng 76-anyos na lolong unang tinamaan ng sakit.

Bunsod nito, mas pinahaba na rin ang curfew sa lugar na magsisimula tuwing alas 9:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga.

Marami kase aniyang residente ang hindi pa rin sumusunod sa mga ipinatutupad na minimum health standards kaya hinihimok rin ngayon ang Sangguniang Barangay ng Bacak na magpatupad ng ordinansang magbibigay ng kaukulang penalidad at parusa sa mga mahuhuling lalabag sa mga minimum health protocols.

Matatandaang dalawang linggo na ang nakakaraan, nang isinailalim sa granular lockdown ang naturang barangay matapos na mag positibo sa COVID-19 ang dalawang residente nito.

Sa ngayon ay naka quarantine din ang ilan sa mga opisyal ng barangay matapos na magkaroon ng exposure sa mga nag positibong indibidwal kaya’t iisang barangay kagawad lamang ang umaasikaso sa pangangailangan at iba pang hakbang ng lokal na pamahalaan upang masugpo ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sakanilang lugar.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *