Imbakan ng mga armas at pampasabog nadiskubre sa bayan ng Capalonga

CAMARINES NORTE – Nadiskubre ang imbakan ng mga armas, pampasabog at iba’t- ibang uri ng bala sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa Sitio Binutas, Purok 4, Barangay Tanawan, Capalonga, Camarines Norte kagabi.

Ayon sa Camarines Norte Police Provincial Office, habang nagsasagawa ng intelligence driven operation ang pulis at militar sa nabanggit na lugar ay nadiskubre at narekober ang mga armas at iba’t- ibang uri ng bala at pampasabog.

Ang mga narekober ay isang M14 Rifle na unserviceable, walong piraso ng mahahabang magazine ng M14, isang high cap magazine para sa 9 mm, at  133 piraso ng bala ng nabanggit na uri ng baril.

Narekober din sa lugar ang 25 piraso ng bala para sa caliber 38 revolver, walong piraso ng bala para sa 9 mm, 7 piraso ng landmines na 6.5 kg at 27 piraso ng landmine na 3.5 kg.

Mayroon ding  mga narekober na industrial wires na may habang 700 metro at detonation cord na may tinatayang 300 metro ang haba.

Ang mga narekober na armas, bala at pampasabog ay dinala sa Tactical Command Post ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa Barangay Bagong Silang 1 sa bayan ng Labo para sa imbentaryo bago iturn- over sa kustodiya ng 9th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Muli namang hinimok ng pamunuan ng pulisya sa Camarines Norte ang sambayanan na huwag matakot magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad tungkol sa mga nakatagong armas at pampasabog para na rin umano sa kaligtasan ng lahat.

(Photo courtesy: CNPPO)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *