Inflation rate sa Camarines Norte bahagyang bumilis noong Hulyo

CAMARINES NORTE- Bahagyang bumilis ang “headline inflation” o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lalawigan ng Camarines Norte noong Hulyo.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) bahagya itong bumilis sa antas na 6.9 % kumpara sa 6.5 % noong Hunyo.

Mas mabilis rin ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo noong Hulyo 2021 kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong isang taon na nasa 3. 9 % lang.

Sa buong Bicol Region naitala ang 6. 5 % inflation rate na bahagyang mas mataas kumpara noong Hunyo na mayroong 6. 3 %.

Ito na rin ang isa sa pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa rehiyon sa loob ng siyam na taon o mula 2013.

Huling naitala ang mataas na inflation sa rehiyon sa magkakaparehong buwan noong 2018 sa 7. 4 %.

Mataas ding maituturing ang inflation rate sa lahat ng lalawigan sa Bicol.

Pinakamabilis ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Camarines Sur sa antas na 7. 6 % na hindi naglalayo sa Catanduanes at Masbate na kapwa nakapagtala ng 7. 1%.

Kapwa naitala naman sa Albay at Sorsogon ang 5. 1 % inflation rate.

Ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng pangkaraniwang serbisyo at produktong binibili ng mga konsyumer.

Kapag mataas ang inflation kinakailangang gumastos ng mas maraming pera ang mga tao para sa mga serbisyo at produkto na kanilang binibili.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *