IPHO So.Cot, nanawagan na pabakunahan ang mga bata laban sa pertussis

KORONADAL CITY – PINAG-IINGAT ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr ang publiko laban sa pertussis o “whooping cough” sa gitna ng outbreak nito sa Quezon City at Iloilo City.

Ayon kay Aturdido na ang pertussis ay isang nakakahawang respiratory illness at delikado lalo na sa mga bata. Kabilang sa sintomas nito ang lagnat, ubo na katunog ng tahol ng aso, at hirap sa paghinga.

Ang mga may katulad na sintomas ay hinihikayat na magtungo agad sa mga health centers upang mabigyan ng agarang medikasyon. Samantala, hinihikayat naman ni Aturdido ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa pertussis.

Ayon sa opisyal na libre ang pertussis vaccine sa mga health centers na ibinibigay kasama ang diphtheria at tetanus o DPT vaccine. Binigyang diin ng opisyal na ang paglaganap ng pertussis at iba pang vaccine-preventable diseases ay resulta ng mababang vaccination rate.

Umapela din ito sa mga magulang na iwasang dalhin ang mga anak sa mga mataong lugar lalo na ngayong mainit na panahon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *