Isabela, naitala ang pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy sa buong Region 2

Naitala ang pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy sa lalawigan ng Isabela batay sa 2020 update ng Commission on Population Region 2.

Ito ang inihayag ni POPCOM Region 2 Dir. Herita Macarubbo kung saan nakapagtala ang Isabela ng 2.3% na sinundan ng Nueva Vizcaya na mayroong 2.2%, ang Cagayan at Batanes na parehong may 1.5% at ang Quirino Province na nakapagtala ng 1.4%.

Sa apat naman na syudad sa lambak ng Cagayan, ang City of Ilagan ang nanguna sa may mataas na teenage pregnancy na sinundan ng Cauayan City, Santiago City at Tuguegarao City.

Ito naman aniya ang kanilang patuloy na tinutugunan na population concern hindi lamang ng rehiyon kundi maging sa buong bansa at sa katunayan ay idineklara na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na national emergency.

Aniya, nagpapatuloy ang kanilang mga ginagawang hakbang upang matugunan ito kagaya ng pagsasagawa ng teenage pregnancy symposium, parent education, couple trail at iba pa.

Dahil sa pandemiya, ay gumawa na rin aniya sila ng video na nakapaloob doon ang learning package para sa adolescent health and development at isniasagawa ang training sa pamamagitan ng youth leaders, population officers, focal persons at iba pang concerned agencies.

Samantala, sinabi pa ni Dir. Macarubbo na base sa huling census ay nadagdagan ng 202,000 ang populasyon sa Region 2 simula noong 2015 hanggang 2020.

Sinabi rin ni Dir. Macarubbo na nakadepende sa mag-asawa ang nais nilang bilang ng magiging anak subalit dapat din ay kayang maibigay ang pangangailangan ng mga ito at huwag iasa sa gobyerno ang kanilang pangangailangan at makakamit ito kung magkakaroon ng pagpaplano.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *