Isang pagkasawi at 18 bagong kaso ng COVID-19, naitala ngayong araw sa Catanduanes

BICOL—Muling nakapagtala ng record high COVID-19 cases ang islang lalawigan ng Catanduanes matapos na mairehistro ang 18 panibagong kaso ng sakit ngayong araw.

Batay sa inilabas na tala ng Department of Health, anim sa mga bagong nag positibo ang mula sa bayan ng Virac na kinabibilangan ng medical frontliner, laboratory technologist, senior citizen at menor de edad na mga residente ng Brgy. Bigaa; Cavinitian; San Isidro Village; Lanao; Calatagan Proper at Brgy. Simamla. Apat na kaso naman ang nairehistro sa bayan ng San Miguel na kinabibilangan ng PNP personnel, senior citizen, isang babae at 13-anyos na bata na mga residente ng Brgy. Poblacion District II at Brgy. Buhi.

Samantala, tatlong kaso naman ang naidagdag sa bayan ng San Andres na kinabibilangan ng isang empleyado ng gobyerno, admin aide at isang 24-anyos na lalaki na mga residente ng Brgy. Wagdas Poblacion at Brgy. Sapang Palay.

Tatlong kaso rin sa bayan ng Baras na kinabibilangan naman ng 23-anyos na lalaki, 40-anyos na babae at 73-anyos na retiradong pulis na pumanaw Lunes ng tanghali sa isang pribadong ospital sa Virac. Sila ay mga residente ng Brgy. Caragumihan, Brgy. Quezon at Eastern Poblacion habang positibo naman sa bayan ng Bato ang 67 at 80 anyos na mga senior citizens mula sa mga barangay ng Cabugao at Batalay.

Bunsod nito, pumalo na sa 396 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa lalawigan kung saan 88 sa mga ito ang aktibong kaso. Nadagdagan naman ng lima ang mga nakarekober sa sakit kaya’t nasa 298 na ang total recoveries ng probinsiya habang sumampa na sa sampo ang death toll matapos na bawian ng buhay ang retired police mula sa bayan ng Baras.##

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *