Isyu ng umano’y kurapsyon sa LTFRB, pinaiimbestigahan na sa Kamara

Pinaiimbestigahan ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante sa Kamara ang lumutang na isyu ng umano’y katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Batay sa House Resolution Number 1381, pinasisiyasat ni Abante sa Committee on Good Government and Public Accountability ang alegasyon laban sa LTFRB.

Iginiit ni Abante na dapat magkasa ng pagdinig ang Kongreso upang makagawa ng angkop na regulasyon sa land-based public transportation at maisulong ang interes at kapakanan ng mga Pilipino.

Paliwanag ng kongresista, kahit binawi ng whistleblower na si Jeff Tumbado ang mga isiniwalat laban kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III ay nanindigan naman ito na maraming suliranin sa tanggapan na kailangang masilip.

Kabilang aniya sa dapat imbestigahan sa pagdinig ay kung ano ang mga totoong problema, paano nang-aabuso ang mga opisyal ng LTFRB o totoo bang sangkot sila sa extortion sa transport groups at kumpanya at kung sinu-sino ang mga tiwaling opisyal.

Ikinatuwa naman ni Abante ang mabilis na pagpapasya ni Pangulong Bongbong Marcos na suspendihin si Guadiz na nagpapatunay na seryoso umano ang administrasyon laban sa korapsyon.

Samantala, umapela rin si Abante sa pamahalaan na pansamantalang suspendihin ang PUV Modernization Program habang gumugulong ang imbestigasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *