Kampanya laban sa illegal drugs, tinututukan sa national family week celebration – DSWD

Tinututukan ng Department of Social Welfare and Development Region 2 ang kampanya kontra illegal na droga kasabay ng selebrasyon ng National Family Week na sinimulan noong September 20, 2021 at magtatagal hanggang September 27, 2021.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DSWD Regional Information Officer Brendan Jansenn Tangan, napansin umano ng ahensya na karamihan sa dahilan ng mga kabataang naaabuso ng illegal na droga ay nagsisimula sa kanilang problema sa pamilya.

Aniya, mahalaga umano na magsimula sa loob ng tahanan ang kampanya kontra illegal na droga upang mabawasan ang mga kabataang nalululong dito.

Ayon pa kay RIO Tangan, magsasagawa ang ahensya ng aktibidad kaugnay sa positive parenting para maging maalam ang publiko sa tamang pagdisiplina sa mga kabataan upang maiwasan ang pang-aabuso sa mga bata.

Ito ay isasagawa alinsunod sa community-based program ng naturang ahensya.

Dagdag pa niya, bunsod ng pandemya ay limitado lamang ang mga LGU sa rehiyon na maaaring puntahan kaya’t magsisimula ang kanilang mga aktibidad sa internal employees bago sa MSWDO at LGUs.

Ang selebrasyon ng NFW ay isinasagawa sa huling linggo ng Setyembre kada-taon alinsunod sa Presidential Proclamation No. 60 na inisyu noong Sept. 28, 1992.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *