Lagman, hinamon ang Office of the President na gayahin ang Ombudsman sa CIF

Nagpatutsada si Liberal Party President at Albay First District Representative Edcel Lagman sa Office of the President matapos hilingin ng Ombudsman at Office of the Solicitor General na tapyasan ang kanilang confidential funds sa susunod na taon.

Hamon ni Lagman sa tanggapan ni Pangulong Bongbong Marcos ay tularan ang halimbawa ng Ombudsman at SolGen at hayaang makaltasan ang confidential at intelligence funds nito na nagkakahalaga ng 4.5 billion pesos.

Sinabi ng independent lawmaker na pinakamalaki ang CIF ng OP noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na lumobo nang 900 percent kumpara sa 500 million pesos sa ilalim ni Pangulong Noynoy Aquino.

Noong administrasyon naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay 600 million pesos lamang ang CIF.

Giit ni Lagman, malaki ang maitutulong ng malaking bahagi ng confidential funds ni Marcos para suportahan ang mga aktibidad ng Department of Health, DOLE at DSWD gayundin sa rice productivity at financial assistance sa mga magsasaka.

Samantala, naniniwala naman si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na hindi dapat matapos sa Office of the Vice President at apat pang ahensya ang pagtapyas sa confidential funds.

Binigyang-diin ni Manuel na kung tutuusin ay 12 percent lamang ng kabuuang CIF ang ni-realign ng Kongreso habang ang 45 percent o malaking bahagi ng pondo ay nasa OP.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *