Lawak ng pinsala na idinulot ng magnitude 5.3 na lindol sa mga eskwelahan sa Camarines Norte patuloy na inaalam ng DepEd

CAMARINES NORTE- Patuloy na inaalam ng Department of Education ang lawak ng pinsala sa mga eskwelahan makaraang tumama sa lalawigan ng Camarines Norte ang magnitude 5. 3 na lindol, Miyerkules ng hapon.

Sa text message sa Brigada News FM Daet ni Schools Division Superintendent Nympha Guemo kinumpirma nito na nakatanggap na ng partial report ang kaniyang opisina hinggil sa inisyal na pinsala na idinulot ng lindol partikular sa mga pinaka apektadong bayan.

Aniya mayroong naitalang crack sa pader sa karamihang eskwelahan.

Agad namang nagpatupad ng suspension ng klase sa ilang eskwelahan alinsunod sa umiiral na DepEd issuance.

Sa ilalim ng naturang issuance awtomatikong suspendido ang klase kapag nasa level 5 ang epekto ng lindol tulad sa Jose Panganiban at Mercedes.

Ang Lokal na Pamahalaan naman ang magpapatupad ng suspension ng klase kapag nasa level 4 tulad ng Daet.

Sa hiwalay namang impormasyong nakalap ng Brigada News FM Daet mula kay Division Disaster Risk Reduction and Management Coordinator Geronimo Burce karamihan sa mga eskwelahan ay nakapagtala ng minor damage na resulta ng tinatawag na “hairline cracks” batay sa kanilang initial monitoring.

Sa ngayon ang nakapagtala ng major damage ay ang Banocboc Elementary School sa Calaguas island sa bayan ng Vinzons.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs naitala ang Intensity V sa Mercedes at Jose Panganiban.

Intensity IV naman ang naitala sa Daet.

Ayon state seismology bureau, tectonic ang origin ng lindol na may lalim na isang kilometro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *