Mala-‘free trial sa impiyerno’ na panahon – dapat nang solusyunan! – Rep. Manuel

Umapela si Kabataan party-list Representative Raoul Manuel sa gobyerno na gumawa na ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng climate change sa bansa.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Manuel na hindi dapat ipasa sa taumbayan ang responsibilidad upang pigilan ang mistulang “free trial” sa impiyerno na nararanasan sa Pilipinas.

Inihalimbawa nito ang payo ng gobyerno sa publiko na maligo sa loob lamang ng walong minuto upang makatipid sa tubig.

Punto ng kongresista, dapat ay habulin ng pamahalaan ang mga higanteng kumpanya na nagdudulot ng polusyon gaya ng fossil fuel.

Bukod dito, hindi aniya nagkamali ang Makabayan nang kanilang igiit na hindi akma sa klima ang ipinatutupad na school calendar mula Agosto hanggang Mayo kaya ngayo’y nagdurusa sa matinding init ng panahon ang mga mag-aaral.

Dagdag ni House Deputy Minority Leader France Castro, noong nakaraang taon pa sinasabi ng PAGASA ang magiging epekto ng El Nino sa bansa ngunit hindi umano napaghandaan at malawak pa rin ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *