Migz: China-PH joint exploration, dapat aralin matapos maging ‘unconsitutional’ ang 2005 deal

Naniniwala si Senate President Migz Zubiri na malaki ang magiging implikasyon ng naging desisyon ng Korte Suprema na ideklarang ‘ilegal’ ang joint exploration ng Pilipinas, kasama ang China, at Vietnam sa West Philippine Sea.

Sa Kapihan sa Manila Bay Forum, sinabi ni Zubiri na nangangahulugan lamang ito na ipinagbabawal na talaga ng ating Konstitusyon ang mga exploration deals sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Payo ng Senador sa administrasyon – aralin na munang maigi ang isinusulong na joint oil exploration nina Pangulong Bongbong Marcos at ni Chinese President Xi Jinping dahil posibleng tutulan din ito ng Kataastaasang Hukuman.

Sa kabila nito, naniniwala si Zubiri na mapa-plantsa ng Ehekutibo ang mga legalidad sa joint exploration lalo na’t dati namang Punong Mahistrado si Executive Secretary Lucas Bersamin.

PETITIONERS

Naniniwala naman si dating Bayan Muna rep. Teddy Casiño na ‘relevant’ pa rin ang pagde-deklarang ‘unconstitutional’ ng Korte Suprema sa Joint Marine Seismic Undertaking o JMSU sa pagitan ng China, Vietnam, at Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Matapos kasi ang 14 na taon, tuluyan nang naging iligal ang joint exploration noon pang 2005.

Ayon kay Casiño, kahit na nag-expire na rin ang JMSU noong 2008, may halaga pa rin ang naturang desisyon lalo na’t niluluto ngayon ni Pangulong Bongbong Marcos ang joint oil exploration sa mga pinag-aagawang teritory kasama ang China.

Aniya, dapat itong magsilbing babala sa administrasyon na hindi na dapat pang galawin ang mga probisyon sa Konstitusyon na ang mga natural resources sa West Philippine Sea ay tanging pagma-mayari lamang ng mga Pilipino.

Maliban kay Casiño, kabilang din sa mga petitioners kontra sa JMSU ay sina dating Bayan Muna representatives Satur Ocampo, Neri Colmenares, at iba pa.

Inihain ito sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na layong tutulan ang agreement sa pagitan ng Philippine National Oil Company, China National Offshore Oil Corp., at Vietnam Oil Gas Corp. o PetroVietnam.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *