Mobile soil laboratory, isinasagawa sa cauayan city

Maaring gamitin ng mga magsasaka ang lalabas na analysis o rekomendasyon ng Regional Mobile Soil Laboratory sa loob ng dalawang taon para sa kanilang mas episyenteng pagsasaka.


Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Ms. Maricon Valdez, soil analyst ng Regional Mobile Soil Laboratory, sinabi niya na sa ngayon ay mayroon ng 34 soil samples ang kasalukuyan nilang isinasailalim sa soil testing.


Sa pamamagitan nito aniya ay malalaman ang lebel ng alkalinity, acidity at organic matter kabilang na rito ang nitrogen, phosphorus at potassium content ng lupa.


Kailangan lamang aniyang naka-air dry ang samples, dapat lagyan din ng label na nakasaad kung ano ang itatanim at kung ilang ektarya ang sakahan na pinagkuhanan nito.


Mula sa lalabas na resulta ng analysis ay dito sila magbabaseha ng nararapat na rekomendasyon bawat sample kung saan nakalagay doon ang tamang dami ng pataba, anong dapat bilhin na fertilizer content at kung ilang bags ng abono.


Samantala, hanggang Biyernes, April 8, ang pamamalagi ng mobile laboratory sa lunsod at kung sakaling hindi matapos ang soil testing ay dadalhin nalang anya sa regional laboratory ang samples at ipapadala sa City Agriculture Office (CAO) ang mga resulta.


Hinikayat naman ng CAO ang mga magsasaka sa lunsod na makilahok sa naturang aktibidad na malaking tulong sa kanilang pagtatanim.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *