NPA na tubong Sorsogon, tuluyang nagbalik-loob sa pamahalaan; buhay sa hukbo, inalala

SORSOGON CITY – Inalala ng dating opisyal ng NPA na si Daniel Moses Dellosa, alyas ‘Ka Axel’ ang kanyang mapait na karanasan sa kilusan, lalo na nang siya ay masugatan at mabihag ng tropa ng pamahalaan sa naganap na engkwentro, umaga noong Disyembre 19, 2019 sa Brgy Golden Valley, Mabini, Davao de Oro.

Napagtanto nito na kahit maituturing na magkaaway ang mga armadong grupo ng rebeldeng NPA at mga kawal ng pamahalaan, ngunit iba ang kanyang naging karanasan noong magkrus ang kanilang mga landas.

Kasalukuyang third year noon ang 23-anyos at tubong Sorsogon na si Daniel, sa Unibersidad ng Pilipinas at kumukuha ng kursong BS Applied Physics nang ma-recruit siya ng CPP-NPA.

Tinamaan umano sya sa binti at inabandona ng mga kasamahan noong mangyari ang engkwentro sa Sitio Barigyan.

Nagtago na lamang ito sa damuhan habang napapaligiran ng kasundaluhan.

Napilitan na lamang umano siyang sumurender dahil sa pagkaubos ng kanyang dugo.

Sa video ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, makikita ang isang maputla at nag-aagaw buhay na binata habang nilalapatan ng pangunang lunas.

Dagdag pa ng binata, lumakas lamang ang kanyang loob dahil sa paghihikayat sa kanya ng mga sundalo at pagbibigay ng mga ito ng katiyakang mabubuhay siya.

Aminado naman umano si Dellosa na lubhang sumama ang kanyang loob sa mga kasamahang nag-abandona sa kanya. Subalit pasalamat naman siya at siya ay nabinigyan ng pagkakataong mabuhay ng kanyang mga minsang itinuring na kalaban.

Si Daniel at dalawa pang kasamahan niya, kabilang ang isang babaeng menor-de-edad ay agad na itinakbo ng mga sundalo ng 48th Infantry Battalion sa 10th Infantry Division Station Hospital para sa atensyong medikal.

Si Daniel ay s’yang Political Instructor ng Weakened Guerilla Front 2 (WGF2), Sub-Regional Committee 2, Southern Mindanao Regional Command bago ang kanyang pagsurender sa pamahalaan.

PHOTO: John Paul Seniel

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *