Online seller sa Thailand, nagbebenta ng mga pinaglumaang gamit ng mga patay habang naka ‘zombie’ costume

THAILAND— Bago pa man magkaroon ng pandemya sa mundo, maraming tao na ang yumakap sa mundo ng ‘online selling’ o ang paggamit ng mga social media platforms upang magbenta ng mga produkto.

Katunayan, sa dami ng mga online sellers ngayong panahon, tila pahirapan na rin ang paghahakot ng maraming viewers at potential buyers upang makapag benta.

Marahil ito ang dahilan kung bakit nagsisipag-sulputan ang iba’t-ibang gimik ng mga online sellers para lamang makatawag ng pansin mula sa mga netizens online.

Ngunit hindi katulad ng ibang mga sellers na mga brand new na damit at gamit ang itinitinda, isang online seller sa bansang Thailand ang pinagkakaguluhan ngayon sa social media dahil sakanyang mga ibinibentang gamit at gimik sa pagtitinda.

Mga pinaglumaan kaseng gamit ng mga yumao o mga patay ang kanyang ibinebenta sa kanyang live selling. Ayon sa ulat, ang mga itinitindang ukay-ukay ng online seller na si Kanittha Thongnak ay mula sa isang Buddhist temple sakanilang lugar.

May tradisyon at paniniwala kasi ang mga Thai kung saan dinadala ng mga ito ang mga gamit ng mga yumao nilang mahal sa buhay sa templo upang i-donate.

Dinadasalan at binabasbasan naman ito ng mga monghe sa paniniwalang maaalis ang mga bad at negative energy mula dito saka nila ibinibenta sa mga nagtitinda ng segunda mano o ukay.

Isa sa mga pumapakyaw nito si Kanittha na kanya namang ipinagbibili online. Kwento ni Kanittha, bago ang pandemya ay mayroon siyang sariling pwesto sa palengke ngunit dahil sa mga COVID-19 restrictions hindi na siya nakapagbukas ng tindahan at sinubukan niya na lamang ang pagbebenta online.

Naging matumal umano noong una dahil marami siyang  ka-kompetensya, ngunit naisipan niyang mag costume ng mala ‘zombie’ habang nag o-online selling para makakuha ng atensyon, kung saan kinuha niya ring inspirasyon mula dito ang mga ibinebenta niyang gamit ng patay.

Dahil sakanyang gimik, ang dating isang dosena niyang viewers ay pumapalo na ngayon ng halos 4,000 kada araw habang mas malakas na rin ang kanyang kinikita kumpara noong siya ay may pwesto sa palengke.### JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *