Padre de pamilya sa bayan ng Basud na humalay sa dalawang anak na babae bagsak sa kulungan, PNP naalarma na sa tumataas na kaso ng pangagahasa na ang suspek ay mismong mga ama ng tahanan

CAMARINES NORTE- Himas rehas ngayon ang isang padre de pamilya na paulit- ulit umanong humalay sa trese anyos na anak na babae makaraang maaresto ng mga personahe ng Basud Municipal Police Station kahapon.

Batay sa ulat ni  Basud  Police Chief Major Melvin  Atacador, ang suspek ay isang tricycle driver, 53 anyos, may asawa at residente ng Barangay Poblacion 2 sa naturang bayan.

Unang nangyari umano ang pangagahasa sa biktima ng kaniyang sariling ama madaling araw noong Oktubre 2020 at ang pinakahuli ay noong Setyembre 2021.

Ayon umano sa biktima na itinago sa pangalang “Wena” paulit-ulit na pinagbantaan ng suspek na papatayin ang kanyang ina kung sakaling siya ay magsusumbong.

Pero hindi lang pala si alyas “Wena” ang nilapastangan ng suspek kundi maging ang panganay nitong kapatid ay hinalay din.

Nangyari umano ito sampung taon na ang nakakalipas pero hindi napanagutan ng suspek ang kaniyang nagawa dahil inurong ng biktima at ina nito ang kaso.

Kahapon, sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Renee Morallo De La Cruz, ng Regional Trial Court Branch 5 dito sa Daet ay tinungo ng kapulisan sa pangunguna ni PSMS Christine  Daiz ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ang tahanan ng suspek para ito ay arestuhin.

Nakakulong na ngayon sa detention facility ng Basud MPS ang suspek na nahaharap sa kasong two counts of rape at walang inirekomendang piyansa ang hukuman.

Naaalarma naman ngayon ang PNP dahil sa tumataas na kaso ng pangagahasa sa naturang bayan na ang suspek ay ang mismong mga ama ng tahanan.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni PSMS Daiz na noong 2021 ay 11  indibidwal ang kinasuhan dahil sa kasong pangagahasa kung saan tatlo ay mismong mga ama ang suspek.

Nito lang ding Enero 2022 ay isa ring lalaki ang naaresto makaraang halayin din ng makailang beses ang menor de edad na anak.

Kaugnay nito ay nanawagan si Daiz lalo na sa mga ina na pag ingatan ang mga anak na babae at huwag itong ipagkakatiwala sa kahit na sino.

Mahalaga rin umanong bantayan ang mga ito kung may kakaibang ikinikilos dahil baka hindi lang aniya napapansin pero biktima na pala ng pang- aabuso.

Tayo ay mag ingat lalo na, hindi naman po sa nawawalan tayo ng tiwala sa mga tatay natin, sa mga haligi ng tahanan natin, kundi pag ingatan natin ang ating mga anak at yung ating mga nanay ay maging mapagmatyag sa lahat ng mga kilos ng ating mga anak, kung may kakaiba man po tayong napapansin sa mga ugali o sa kilos  ng ating anak ay tayo ay magtanong at tanungin natin  kung anong problema ng ating mga anak, baka sakali may problema na sila at inaabuso na ng kanilang mga tatay, hindi lang mga tatay kundi yung iba pa na hindi naman natin kamag anak, maaaring sila ay maging biktima ng pang aabuso”, ani Daiz.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *